CAGAYAN DE ORO CITY – Simula kaninang madaling araw, limitado na rin ang galaw sa ngayon sa buong probinsiya ng Lanao del Sur at Marawi City matapos itong isailalim sa lockdon bilang precautionary measures laban sa pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Marawi City Mayor Atty. Majul Gandamra, isinailalim nila sa lockdown ang buong probinsya matapos mamatay ang pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 na dinala sa Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City.
Dahil dito, ang tanging pinapayagan na lamang na makapasok sa probinsya ay pawang mga health personnel at mga manggagawang may dalang identification cards lamang.
Bago makapasok, kailangan munang dumaan ng mga ito sa mga inilagay na checkpoints ng mga sundalo at puli na nagbabantay sa mga border ng probinsya.
Ang mga ambulansya na babiyahe ng mga pasyente na kailangan dumaan sa probinsya ay pinapayuhan naman na kumuha mula ng referral mula sa isang doktor.
Haharangin din ang mga sasakyan na may lulan na mahigit sa dalawa ang pasahero bilang bahagi ng ipinatutupad na social distancing.
Kasabay ng mga paalalang ito, nananawagan ng kooperasyon si Gandarma sa kanilang mga residente sa gitna na rin ng banta ng COVID-19.
Samantala, nauna nang isinailalim sa “community quarantine” ang buong lalawigan ng Lanao del Sur.