-- Advertisements --

Tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na bago matapos ang linggo ay makapaglalabas na ng desisyon ang kanilang board of trustees kaugnay ng pagbibigay tulong pinansyal sa mga OFW sa Taiwan na apektado ng travel ban.

Sa isang panayam sinabi ni OWWA administrator Hans Leo Cacdac na sakaling maaprubahan ay makakatanggap ng P10,000 financial assistance ang mga OFW na hindi na nakabalik ng Taiwan dahil sa ipinatupad na kautusan.

Mismong ang Philippine Overseas Labor Office sa Taipei umano ang makikipag-usap sa amo ng mga Pinoy workers na hindi na nakabalik para hindi rin sila mawalan ng trabaho.

Sa ngayon kasi, ang sakop lang ng OWWA financial assistance ay yung mga OFW sa China at special administrative regions na Hong Kong at Macau.