Umakyat na sa 37 ang naitalang COVID (Coronavirus Disease) death toll sa Philippine National Police (PNP).
Ito’y matapos nasawi kahapon, March 27, ang isang 45-anyos na non-commissioned police officer na nakadestino sa National Capital Region Police Office (NCPO).
Sa report na inilabas ng PNP Health Service, nasa 185 na bagong COVID cases ang naitala ngayong araw.
Sa kabuuan, sumampa na sa 2,068 ang total number ng active cases sa PNP.
Sa ngayon ang PNP ay mayroon nang 14,283 kaso ng deadly virus kung saan nasa 12,178 naman ang nakarekober sa sakit.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Guillermo Eleazar, nasa 13 pulis ang nagkaroon ng reinfection.
Dahil sa patuloy na pagsirit ng COVID cases sa PNP, pinasisiguro ni PNP Chief Gen. Debold Sinas na istriktong ipatupad ang minimum health and safety protocol sa lahat ng mga kampo.