Umabot sa 594 katao ang naaresto ng mga awtoridad dahil sa hoarding at/o profiteering at manipulation ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng price freeze na ipinapatupad sa bansa sa gitna ng laban kontra COVID-19.
Idinitalye ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalawang report sa Kongreso base sa datos na kanyang nakuha mula sa DILG.
Sinabi rin ng Pangulo na ang DTI, PNP at NBI ay nakapagsagawa ng pinagsamang 110 operations kung saan aabot sa 96 ktao ang naaresto dahil sa paglabag sa consumer, food, drug, price, at cybercrime laws.
Para matiyak ang availability at wasto ang presyuhan sa mga pangunahing pangangailangan ng publiko, naglunsad naman ang DTI ng 1,289 monitoring activities mula Marso 28 hanggang Abril 1 kung saan 5,192 firms ang natukoy na 97 percent compliant.
Aabot sa 427 online complaints ang naproseso ng DTI, 250 reklamo ang kanilang inendorso sa iba’t ibang ahensya, naglabas ng 140 na liham para silipin ang mga nakagawa nang paglabag, at nakapagpalabas ng apat na notices of violations sa iba’t ibang retailers kung sa isa rito ay pormal na kinasuhan.