-- Advertisements --

MANILA – Nilinaw ng tanggapan ng Department of Health sa Calabarzon na bumababa na ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa kanilang rehiyon.

Ito ay sa kabila ng pangunguna ng Cavite sa listahan ng may pinakamaraming kaso ng COVID-19 na naitatala kada araw sa buong bansa.

Sa isang panayam sinabi ni Dr. Paula Paz Sydiongco, head ng DOH Center for Development ng Calabarzon, na paunti-unti nang bumababa ang bilang ng mga tinatamaan ng sakit sa probinsya.

Batay daw sa monitoring ng tanggapan, karamihan sa mga nagkakasakit ng COVID-19 sa Cavite ay yung mga nakatira malapit sa Metro Manila.

“Base sa mga natalang kaso nung June 8, makikita natin na unti-unting pababa ang kaso. Ngunit kailangan pa rin bantayan ito at patuloy na palalahanin ang ating mga kababayan ng minimum public health standards,” ani Dr. Sydiongco sa panayam ng Teleradyo.

Nitong Martes pumalo na sa 173,118 ang kabuuang bilang ng COVID cases sa Cavite, matapos makapagtala ang probinsya ng 821 na bagong kaso ng sakit.

Sa kabila ng bumababa nang bilang ng mga kaso ng sakit sa lalawigan, patuloy daw na babantayan ng DOH Regional Office ang sitwasyon.

Sa ngayon napanatili naman daw ng Cavite ang agresibong contact tracing rate, o 15 close contacts sa kada kumpirmadong kaso ng COVID-19. – with report from ABS-CBN News, CJY