Target ngayon ng pamahalaan na maturukan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine booster shots ang mga senior citizen kasabay ng tatlong araw na national vaccination drive sa Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.
Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) vaccine development expert panel head Dr. Nina Gloriani, puwede rin umanong mag-avail ang mga senior citizens ng karagdagang doses depende sa rollout ng booster shots para sa mga health-care workers.
Sa unang linggo ng Disyembre, target ng pamahalaan na mabakunahan na rin ng booster shots ang mga may comorbidities at ang mga indibidwal na nasa A3 group.
Ngayong araw, sinumulan na ng pamahalaan na mabigyan ng karagdagang bakuna ang mga fully-vaccinated health-care workers.
Una rito, inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang apat na vaccine brands na gagamitin sa booster shots kabilang na ang Pfizer, AstraZeneca at Sinovac bilang homologous third dose at Sputnik Light bilang heterologous third dose.
Sinabi naman ng Department of Health (DoH) na posibleng ang ibigay sa mga health-care workers ay Moderna, Pfizer o Sinovac vaccine brands para sa booster doses.