-- Advertisements --

Mahigit 90 percent pa rin ng mga kama sa Philippine General Hospital (PGH) na nakalaan para sa COVID-19 ang okupado kahit pa mahigpit pa rin ang quarantine restrictions na ipinatutupad sa Metro Manila at apat na karatig na probinsya.

Ayon sa tagapagsalita ng PGH na si Dr. Jonas Del Rosario, hindi nagbago ang sitwasyon sa kanilang ospital magmula nang inilagay ang NCR Plus sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) at modified enhanced community quarantine (MECQ).

Base sa kanilang pinakahuling census, sinabi ni Del Rosario na 234 sa 250 mga kama nila ay okupado ng COVID-19 patients.

Bukod dito, puno rin aniya ang kanilang intensive care units pati rin ang kanilang mga emergency rooms dahil sa marami pa rin silang tinatanggap na mga pasyente.

Para kay Del Rosario, makabubuti kung papalawigin pa ang MECQ sa NCR plus kung ikokonsidera ang bed occupancy sa PGH.

Magugunita na base sa huling anunsyo ng IATF, nakatakdang matapos ang MECQ status sa NCR Plus sa darating na Mayo 14.