-- Advertisements --

Umani ngayon ng iba’t ibang reaksiyon ang ginawang manifestation ng legal counsel ni Vice President Leni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal sa kasagsagan ng canvassing na isinasagawa ng House of Representatives na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC) ng mga boto para sa pagka-presidente at bise presidente.

Pormal na kasing idineklara ni Macalintal na hindi na nila kukuwestiyunin ang pagbibilang ng boto para sa presidential race.

Sa kanyang manifestation, binasa nito ang statement ni Robredo noong Mayo 13 na nagpapanawagan sa kanyang mga tagasuporta na tanggapin ang desisyon nang nakakaraming Pinoy sa naganap na halalan noong Mayo 9.

Sa isinagawa kasing partial at unofficial count at lamang ang kanyang karibal na si Presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos ng mahigit 16 million.

Nakakuha si Marcos ng mahigit 31 million na boto habang si Robredo ay nakakuha lamang ng mahigit 14 million na boto.

Screenshot 20220524 144235 Chrome

Matapos ang naging manifestation ni Macalintal ay agad namang nagpasalamat ang counsel ng presumptive president na si Atty. Vic Rodriguez dahil sa pagtanggap ng mga ito ng kanilang pagkatalo at kinikilala ang resulta ng katatapos na halalan.

Samantala, maliban kay Macalintal, nagbigay din ng kanyang manifestation si Atty. Rizalina Lumbera, legal counsel ni Manila Mayor Isko Moreno na nasa ika-apat na puwesto sa katatapos na halalan.

Screenshot 20220524 181845 Gallery

Matapos makakuha ng mahigit 1.9 million na boto, sinabi ni Lumbera na wala rin umano silang objection sa isinasagawang canvassing ng mga boto dito sa Kamara.

Dahil naman sa manifestation ng dalawang counsel ni Robredo at Moreno ay sinabi ni Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri na mas mapapadali na ang kanilang isinasagawang canvassing.

Sinabi ni Zubiri na bukas ng hapon ay posibleng matapos na ang isinasagawa nilang canvassing.