Ikinagalit ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta ang umano’y tila “delaying tactics” na ginagawa ng mga respondent sa Dengvaxia case na dinidinig ng Department of Justice (DoJ).
Ito ang pahayag ni Acosta sa pagpapatuloy ng preliminary investigation sa ikatlong batch ng Dengvaxia case.
Aniya, dahil walang naisumiteng mga rejoinder affidavit ang mga respondent ay binigyan sila ng mga piskal na humahawak sa kaso ng hanggang Agosto 25 para magsumite ng mga naturang dokumento.
Sinabi ni Acosta na matagal na rin umanong dinidinig ang third batch dahil sa ginagawa ng mga respondent na pagdelay sa mga dokumentong kailangan sa preliminary investigation.
Sabik na rin umano ang magulang ng 15 batang sinasabing namatay matapos maturukan ng Dengvaxia na makuha ang hustisyang kanilang hinahangad.
Sa naturang kaso, nais ng mga magulang na mapanagot ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Health (DoH) dahil sa pagpapatupad sa immunization program ng pamahalaan nang hindi pa tested.
Kabilang sa mga kinasuhan sina dating health secretary Janette Garin at kasalukuyang health Secretary Francisco Duque III, mga opisyal ng DoH na sina Dr. Vicente Belizario Jr., Dr. Kenneth Hartigan-Go, Dr. Gerardo Bayugo, Dr. Lyndon Lee Suy, Dr. Irma Asuncion, Dr. Julius Lecciones, Dr. Joyce Ducusin, Rosalind Vianzon, at Mario Baquilod.
Kasama pang respondent sa kaso ang Food and Drug Administration (FDA) officials na sina Dr. Maria Lourdes Santiago and Melody Zamudio; officials ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na sina Drs. Socorro Lupisan and Maria Rosario Capeding.
Kabilang din sa kaso ang Executives ng Sanofi Pasteur sina Carlito Realuyo, Stanislas Camart, Jean Louis Grunwald, Jean-Francois Vacherand, Conchita Santos, Jazel Anne Calvo, Pearl Grace Cabali at Marie Esther De Antoni.
Ang mga nasa Zuellig Pharma naman ay sina Kasigod Jamias, Michael Becker, Ricardo Romulo, Imran Babar Chugtai, Rayumund Azurin, Nilo Badiola, John Stokes Davison, Marc Franck, Ashley Gerard Antonio, Ana Liza Peralta, Rosa Maria Chua, Danilo Cahoy, Manuel Concio III, Roland Goco at Ma. Visitacion Barreiro
Humaharap ang mga respondents sa kasong reckless imprudence resulting to homicide sa ilalim mg Article 365 ng Revised Penal Code; torture resulting in the death of a person at torture committed against children sa ilalim naman ng Republic Act 9745, Anti-Torture Act of 2009 at ang mislabeling of drugs and devices, liability for defective products at liability for product and service imperfection sa ilalim ng RA 7394 o Consumer Act of the Philippines.