BAGUIO CITY – Lubos na ipinagmamalaki ngayon ng Bisquera-Bejarin Family sa Lipcan, Bangued, Abra ang matapang nilang kapatid na isa sa mga nagboluntaryo at naipadala sa Wuhan, China para tulungang makauwi ang mga OFWs mula sa ground zero ng coronavirus disease (COVID-19).
Nagpasalamat ang pamilya sa mga nanalangin sa kaligtasan ni Sanny Darren Bisquera Bejarin na nagsilbing Protocol Officer at Attaché ng Philippine Consulate sa Shanghai, China.
Nagsilbi si Bejarin at Mark Anthony Geguera sa Rescue Team ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagsagawa ng repatriation sa mga OFWs sa ground zero ng COVID-19.
Ayon sa pamilya, tunay na maipagmamalaki ang katapangan nito dahil handa itong magsaripisyo para sa mga nangangailangan ng kanyang serbisyo.
Nagpasamalat din ang mga natulungang OFWs dahil tiniyak ni Bejarin at Geguera na magiging komportable sila sa kanilang pagbalik dito sa bansa.
Nakatakdang maparangalan ang dalawa sa Kongreso bago babalik si Bejarin sa tour of duty nito sa Shanghai, China sa March 6.