-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Naka-blue alert ngayon ang Cordillera Region matapos maitala ang pagtaas ng dengue cases ngayon taon.

Inihayag ito ni Department of Health-Cordillera Regional Director Dr. Amelita Pangilinan sa isinagawang Emergency Response Meeting on Dengue Incidences in the Cordillera Region kahapon.

Aniya, mula January 1 hanggang July 20 ngayong 2019 ay naitala ang aabot sa 3,500 na suspected dengue cases sa buong rehiyon.

Sinabi niya na mas mataas ito ng 21 percent kung ihahambing sa naitala nilang bilang ng kaso ng dengue sa kaparehong panahon noong 2018.

Naitala ng lalawigan ng Ifugao ang pinakamalaking pagtaas ng kaso ng dengue na umabot sa 206 percent habang naitala ng lalawigan ng Apayao ang pinakamataas na kaso ng dengue na umabot ng 642.

Tumaas din ang kaso ng dengue sa Benguet, Abra, Mountain Province, Apayao at non-Cordillerans.

Naitala din ng rehiyon ang pitong bilang ng pagkamatay dahil sa dengue ngayong taon.

Ayon kay Dr. Pangilinan, nagsagawa na sila ng ibat-ibang dengue prevention and control measures para malabanan ang dengue.

Patuloy din nilang pinapaalalahanan ang publiko ukol sa pagpapanatili ng mga itong malinis ang kapaligiran para wala ng mga breeding sites ang mga lamok na nagsisilbing carrier ng dengue virus.