KALIBO, Aklan—Muling nabuhay ang kaliwa’t kanang usapin kaugnay sa controversial proposed Boracay bridge matapos na inanunsyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na posibleng maisapinal ang desisyon sa P7.95-bilyong proposed 2.54-kilometrong tulay mula sa mainland Malay patawid sa isla ng Boracay na popondohan ng San Miguel Corporation (SMC).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Malay sangguniang bayan member Alan Palma Sr., chairman of committee on public works and utilities na hindi niya papayagan ang binabalak na pagpapatayo ng tulay kung hinde mailahad ang mga kailangang malaman ng mga asosasyon, korporasyon, negosyo at indibidwal na nakatakdang maapektuhan ng nasabing proyekto.
Mula nang maupo ito bilang miyembro ng Sangguniang Bayan ay wala silang natanggap na proposal at dapat malaman ng lahat kung saan nanggaling ang recommendation dahil hindi aniya ito napag-usapan sa lokal na pamahalaan.
Kaugnay nito, nanawagan ang opsiyal kay DPWH Secretary Manuel Bonoan ng transparency ukol sa proyekto at kailangan na magkaroon ng consultation mula sa komunidad dahil marami aniyang katanungan ang lahat na kailangang mabigyan ng sapat na kasagutan.
Una rito, mariing tinututulan ng Boracay Foundation Inc. (BFI) ang proyekto, dahil umano sa negatibong epekto nito sa marine biodiversity at coastal erosion.
Sa darating na Hulyo, malalaman kung uusad ang proyektong ito, habang binabalanse ang mga layunin ng ekonomiya, pangangalaga sa kalikasan, at lokal na oposisyon.