DAGUPAN CITY – Patuloy na gumagawa ng kaukulang hakbang ang pamahalaang lokal ng Lingayen kasunod ng pagpositibo sa Coronavirus Diseased 2019 (COVID -19) ng isang kababayan na mula Australia.
Base sa ulat, ang babae na galing sa Australia ay dumalo sa kasal sa Maynila noong February 15, 2020.
Pagkatapos nito ay may dinaluhan siyang high school reunion sa Pangasinan, at March 2 nang bumalik siya ng Sydney, pero March 3 nang siya ay magpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil, sa ngayon ay isinasagawa na ang contact tracing sa lahat ng taong nakasalamuha ng pasyente upang hindi kumalat ang virus.
Iniutos din ang pagsasagawa ng thermal monitoring, hand cleansing at paggamit ng face mask sa lahat ng okasyon.
Samantala, nagsuspinde ngayong araw ng klase sa lahat ng antas sa mga paaralan sa bayan ng Lingayen at Bugallon upang bigyan daan ang disinfection activities sa mga eskuwelahan.
Magsasagawa ang nasabing mga local government unit ng paglilinis upang mas maging handa at ligtas ang mga paaralan.
Isusunod din ang paglilinis sa mga pampublikong lugar, pasilidad, public terminals, palengke, parke, at mga tanggapan ng pamahalaan.
Ito ay naglalayong higit na mapalakas ang paghahanda at pag-iwas sa nakakamatay na virus mula sa Wuhan, China.