CAUAYAN CITY- Kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Fire Arms and Ammunition Regulation Act) ang isang construction worker na nanutok ng baril sa isang barangay Tanod sa Purok 6, Barangay Luna, Santiago City.
Ang suspect ay si Danilo Pascual, 49 anyos, may asawa, construction worker habang ang biktima ay si Fausto Palasique, 39 anyos, may-asawa, isang barangay Tanod, kapwa residente ng nabanggit na Barangay.
Batay sa pagsisiyasat ng SCPO Station 2, naganap ang insidente ng panunutok ng baril ng suspek sa isang burol.
Batay sa salaysay ng mga saksi napag-alamang kabilang ang suspek sa mga nag-iinuman sa lamayan nang makaaway nito ang isang Peter Attaban.
Nagkataong nasa lugar ang barangay tanod na si Palasique at sinubukang awatin sina Pascual at Attaban nang biglang siyang tinutukan ng baril sa ulo ni Pascual.
Agad namang namagitan sa tensiyon ang barangay kapitan dahilan upang humupa ang kaguluhan at mapigilan ang tangkang pagpapaputok ng baril ng suspek.
Matapos na maiparating sa himpilan ng pulisya ang pangyayari ay agad na dinakip si Pascual sa mismong bahay nito dahil sa iligal na pagdadala ng
baril at kasalukuyang nasa pangangalaga ng SCPO station 2.