Target ngayon ng Department of Education (DepEd) na makapagbigay ng connectivity allowance para sa mga public school teachers at senior high school students sa susunod na taon.
Sa pahayag ng DepEd, humiling na si Education Secretary Leonor Briones sa Department of Budget and Management (DBM) na maglabas ng P4-bilyon para sa pagpapatupad ng Digital Education, Information Technology at Digital Infrastructure and Alternative Learning Modalities, na nakapaloob sa Bayanihan to Recover as One Act.
Sakop ng nasabing halaga ang probisyon ng connectivity load para sa 3.2-milyong senior high school students at nasa 900,000 guro sa buong bansa.
“We recognize the importance of load allowance for our learners and teachers to deliver quality education despite these challenging times due to the COVID-19 pandemic. With support from our Congress and the DBM, we shall continue to push for more financial assistance to our stakeholders,” wika ni Briones.
Sa oras na maipatupad na ito, makatatanggap ng P450 load allowance ang mga teachers, habang may P250 ang mga SHS students kada buwan sa loob ng tatlong buwan, na nagkakahalaga ng mahigit sa P3.6-bilyon.
Samantala, ilalaan naman ang natitirang PhP 400 milyon upang palawigin ang pagsasagawa ng mga learning materials para sa DepEd Commons, DepEd TV at Radio (PhP 200 milyon); dadagdagan rin ang pondo sa pag-imprenta at paghahatid ng mga self-learning module (SLM) (PhP 150 milyon) at magtatayo ng 2,000 radio transmitters sa mga Last Mile Schools (PhP 50 milyon).
Umapela naman si DepEd Usec. Alain Pascua sa mga school officials na paalalahanan ang mga magulang at mag-aaral hinggil sa libreng pag-download ng educational videos at modules mula sa DepEd Commons.
Ayon kay Pascua, naghahanap pa raw ng paraan ang kagawaran para masuportahan ang distance learning sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga telecommunication companies sa buong bansa.