-- Advertisements --
DSWD REX GATCHALIAN

Muling iginiit ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang commitment nito sa publiko na mai-angat ang kalidad ng kabuhayan ng lahat ng mga Pilipino.

Ginawa ng DSWD Sec Rex Gatchalian ang naturang pahayag, kasunod ng lumabas na resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing halos kalahati sa kabuuang populasyon ng mga Pilipino o katumbas ng 48% ay itinuturing nila ang kanilang sarili bilang mahihirap.

Ang naturang survey ay para sa ikatlong quarter ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Sec. Gatchalian, bago pa man ang paglabas ng naturang resulta, gumagawa na ang DSWD ng mga interbensyon para matiyak na mapataas ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino.

Sa katunayan aniya, una nang nagbigay si PBBM ng direktiba sa DSWD na bumuo ng mga innovative programs para mapigilan at malabanan ang kagutuman at kahirapan sa buong bansa.

Ito rin aniya ang isa sa mga dahilan kung bakit binuo ng DSWD ang Food Stamp Program (FSP) kung saan binibigyan ang mga benepisyaro ng monthly allowance na P3,000 na magagamit pambili ng kanilang mga pagkain.

Ayon sa kalihim, ang naturnang programa ang isa sa mga sagot ng pamahalaan para matugunan ang kahirapan na matagal nang binabalikat ng maraming mga Pilipino.

Maalalang sa inilabas na resulta ng survey ng SWS, nakasaad dito na 13.2 million na pamilyang Pilipino ang nagsasabing mahirap sila.

Mas mataas ito kumpara sa 12.5 milyong pamilya noong Hunyo ng kasalukuyang taon.