Naniniwala si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rey Bulay na dapat kasuhan ang mga indibdwal na mapapatunayang sangkot sa nangyaring aberya sa presidential at vice presidential debates ng komisyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Bulay na kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Comelec upang mapanagot ang Impact Hub at iba pang sangkot dito na hayagang nakapipinsala aniya sa pamahalaan.
Pinag-aaralan na rin aniya ng komisyon ang mga isinumiteng paliwanag ng 14 Comelec directors at concerned executives tungkol sa isyu.
Samantala, tiniyak naman ni Bulay na isasapubliko nila ang lahat ng kanilang mga matutuklasan at magiging rekomendasyon sa en banc hinggil sa usapin na ito.
Magugunita na una nang ipinagpaliban ng Comelec ang presidential at vice presidential debate makaraang magbanta na aatras sa kanilang kasunduan ang pamunuan ng Sofitel matapos na bigong makapagbayad sa kanila ang Impact Hub para sa ginamit na venue ng naturang event.
Dahil dito ay napilitan ang komisyon na baguhin ang format ng debate bat gawin na lamang na taped interview ang mga ito sa tulong ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na nakatakda namang ipalabas mula Mayo 2 hanggang Mayo 6.