-- Advertisements --
comelec 1

Nakaabang din umano ang Commission on Elections (Comelec) kung bibigyang pansin ang inihaing petisyon ni Atty Romulo Macalintal na kumukwestiyon sa constitutionality ng postponement ng barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

Sa statement ni Comelec Spokesman John Rex Laudiangco sinabi nito na susunod ang komisyon anuman ang desisyon ng highest court of the land kaugnay sa pagkuwestiyon sa Republic Act No. 11935 na nauna nang pinirmahan ng Pangulong Marcos matapos na ipasa ng dalawang kapulungan ng kongreso.

Sa kabila nito, welcome rin umano para sa Comelec ang filing ng naturang petisyon, upang mabigyang linaw ang matagal ng kuwestiyon sa kapangyarihan ng legislative at executive department ukol sa usapin ng pagtatakda sa termino ng barangay at Sangguniang Kabataan officials.

Ayon pa kay Atty Laudiangco, kung sakaling magkaroon na ng definite ruling sa naturang isyu ang Korte Suprema, nakahanda naman daw ang Comelec na sundin ito.