-- Advertisements --

Kinumpirma ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na galing sa kanyang opisina ang pinaiikot na kopya ng draft Senate resolution upang ipabasura ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte. 

Ayon kay dela Rosa, siya ang nag-initiate o nagpasimula ng naturang resolusyon. 

Kinumpirma rin ng senador na mayroon nang mga senador ang sumusuporta sa resolusyon ngunit hindi na isiniwalat pa kung ilan na ang bilang. 

Sa ngayon hindi pa matukoy ni dela Rosa kung kailan niya ihahain ang naturang resolusyon dahil susuruin pa raw niya ito. 

Samantala, Nakatanggap naman si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ng pisikal na kopya ng draft Senate resolution na layong i-dismiss ang impeachment case laban kay Duterte. 

Sa panayam, sinabi ni Estrada, noong Lunes pa kumakalat ang naturang resolusyon. 

Paglilinaw naman ng senador na hindi pinapipirmahan sa kanya ang resolusyon kundi pinababasa lamang ngunit pag-iisipan niya raw nang mabuti kung pipirma siya rito. 

Maging si Senadora Imee Marcos, kinumpirma na nakita niya ang umano’y kumakalat na draft Senate resolution upang ibasura ang impeachment case laban Duterte. 

Sinabi ni Marcos, pangatlo itong naturang resolusyon sa kanyang nakita na nais i-dismiss ang paglilitis laban sa pangalawang pangulo ng bansa. 

Marami aniya itong bersyon at maraming draft ng resolusyon na iba iba umano ang pakay. 

Giit ng senadora, lahat ng bersyon ng resolusyon ay naghahanap ng pinakamabisa at pinaka-naaayon sa batas at walang butas na solusyon sa impeachment laban kay Duterte. 

Samantala, nakita naman daw ni Senador Joel Villanueva ang kopya ng resolusyon sa kanilang group chat. 

Ngunit nilinaw ng senador na walang pinadalang kopya ng Senate resolution upnag ipabasura ang impeachment case laban kay VP Sara. 

Samantala, para naman kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, maituturing na walang saysay na papel ang kumakalat na kopya ng draft Senate resolution na layong ipabasura impeachment case laban kay VP Sara. 

Ayon sa senador, maaari lamang nilang aksyunan pagdebatehan at pagbotohan ang naturang resolusyon sa oras na may maghain at may magmosyon. 

Base sa kumakalat na apat na pahina ng Senate resolution, walang nakalagay na pangalan ng mga senador at wala rin itong Senate resolution number. 

Sa title ng resolusyon nakalagay na pagpapahayag ng De facto dismissal sa kaso ng impeachment laban kay VP Sara Duterte ayon sa bisa ng 1987 Constitution.