Inendorso na ng Commission on Appointments (CA) committee matapos ang dalawang pagdinig ang confirmation ng ad interim appointment ni Jaime Bautista bilang kalihim ng Department of Transportation (DoTr).
Kung maalala, noong nakaraang linggo, sinuspinde ng CA committee on transportation ang pagdinig sa appointment ni Bautista dahil sa time constraints.
Bago naman ang pag-apruba sa appointment sa committee level, sinabi ni CA chairman at Senate President Juan Miguel Zubiri na subok na raw ang competence ni Bautista.
Aniya, ang opisyal na kagaya ni Bautista ay hindi na kailangang sumailalim sa mga learning curve.
Pabiro pang sinabi ng senador na kahit natutulog daw si Bautista ay iniisip pa rin nito ang problema sa transportasyon dito sa bansa kaya naman ay kailangan na ito ngayon dahil sa mga nararanasang traffic jams na dulot ng traffic congestion dahil sa Christmas season.
Sa isinagawa namang hearing, natanong si Bautista ng mga miyembro ng Commission on Appointment panel kaugnay ng direksiyon ng bansa sa pamamahagi ng fuel subsidies at plano sa ating mga paliparan at mga port.
Kung maalala, si Bautista na dating presidente at chief operating officer ng Philippine Airlines ay itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong buwan ng Hunyo.