-- Advertisements --
Diaz stamp

Pormal nang inilunsad ng Philippine Postal Corporation (PhilPost) ang commemorative stamps bilang pagkilala sa mga Filipino champions na nakagawa ng kasaysayan sa katatapos lamang na 2020 Tokyo Olympics.

Tampok sa naturang stamps ang kauna-unahang atleta ng bansa na nakasungkit ng gold medal sa Olympics na si Hidilyn Diaz.

Kasama rin dito ang mga silver medalists boxers na sina Carlo Paalam at Nesthy Petecio at bronze winner Eumir Marcial.

Sinabi ni Postmaster General at CEO Norman Fulgencio sa ginanap na launching sa Manila Central Post Office Building na tampok sa stamps ang winning moments ng mga atleta.

“Napakasarap ng pakiramdam na ilan sa ating kababayan ay nakapag-uwi ng karangalan at nagbigay ng inspirasyon sa ating bayan. Ito ang nagbunsod sa amin dito sa Philippine Post Office na maglabas ng postage stamp o selyo na naglalaman ng larawan ng tagumpay na nakamit ng ating kababayan sa nakaraang Tokyo Olympic Games,” ani Fulgencio.

Present mismo sa launching si Diaz, Petecio, Paalam at Marcial.

Todo naman ang pasasalamat ng mga atleta sa suporta ng mga Pinoy sa kanilang naging kampaya sa Olympics.

Kasama ring inilunsad ng Post Office ang “Keep the Faith, Be a Hero, Vaccinated Stamps.”