Pinayuhan ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botante na huwag iboto ang mga pulitikong ngayon pa lamang ay nangangampanya na at nagbibigay pa ng mga ayuda.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ang mga isinasagawa ng caravan ng mga kandidato para mamudmod ng cash at ayuda ay paglabag din sa mga health protocols ng Inter Agency Task Force (IATF) dahil pa rin sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Aniya, dahil sa pamimigay daw ng mga ayuda na siyang dahilan kung bakit nagsisiksikan ang mga tao para lamang makakuha ng ayuda.
Bagamat wala raw batas na nagbabawal dito ay nagmimistula talagang vote buying ang nangyayari dahil tumatakbo na ang mga ito sa halalan sa susunod na taon.
Base sa inilabas ng Comelec na resolusyon, dapat ang kampanyahan para sa pagka-presidente, bise presidente, senador at party-list representatives ay magsisimula pa lamang sa Pebrero 8, 2022 habang ang mga tatakbo sa local positions ay dapat sa Marso 25 pa sa susunod na taon.
Nilinaw naman ni Jimenez na hindi na sakop ng Comelec ang isyu ng mga gatherings na posibleng maging covid superspreader dahil ang mga local government units (LGUs) na raw ang dapat kumontrol sa mga ganitong event.