Pumirma na ang Commission on Elections (Comelec) ng memorandum of agreement sa Rotary Club of Manila South (RCMS) para sa pagsasagawa ng information campaign sa mga vote-counting machines (VCMs).
Sa isang statement, sinabi ng poll body na layon ng naturang kampanya na masiguro ang reliability, credibility at maximum security hindi lamang sa vote counting machine (VCM) pero ang buong election system.
Nangako naman umano ang Rotary Club na mag-oorganisa at magpa-facilate ang mga ito ng VCM demo roadshows at lectures sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan nila sa Rotary Clubs.
Ang MOA signing ay sinaksihan ng mga key officials ng Rotary Club na ginanap sa Casino Español de Manila, Kalaw St., Ermita, Manila.
Sinabi naman ni Comelec Spokeperson James Jimenez na ang MOA signing ay isang paraan para masigurong ngayon pa lamang ay makilala na ng mga botante ang itsura ng makina, kung paano ito gagamitin at ano ang kanilang aasahan sa darating na halalan.
Dahil dito, pinayuhan ni Jimenez ang publiko na puwede silang mag-request ng demonstrations at lectures sa Rotary Club of Manila South.
Aniya, marami raw naaabot na komunidad ang iba’t ibang Rotary Clubs sa buong bansa.