Nilinaw ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia, na maaaring pumasok sa mga polling precinct ang mga botante na may dala-dalang papel o sample ballot.
Ito ay matapos na makatanggap ang komisyon ng mga ulat na may ilang mga security guard ang pinagbabawalan ang mga botanteng may dalang sample ballot na makapasok sa mga eskwelahang ginagamit bilang voting center.
Sa press briefing ng National Board of Canvassers for the 2022 National and Local Elections ay iginiit ni Garcia na dapat ay pinapayagang makapasok ang sinumang botante anumang papel ang dala nito.
Binigyang-diin niya na ang pagdadala ng kodigo ng mga botante, sulat kamay man o sample ballot, ay dapat na pinapapasok at pinahihintulutan ang mga ito na makaboto dahil karapatan nila ito.
Samantala, iniulat naman ni Garcia na nagpapatuloy pa rin ang ginagawang botohan sa ilang mga lugar na napabalitang may naganap na mga karahasan.