-- Advertisements --

Isinama ng Commission on Elections sa withdrawal form ng mga lagda para sa People’s Initiative ang isang linya para ipaliwanag ang kanilang rason para sa pagbawi ng kanilang lagda mula sa petisyon para sa PI na layong amyendahan ang Saligang Batas.

Subalit paliwanag ng poll body na hindi mapapawalang bisa ang kanilang withdrawal kung pipiliin nilang hindi ilagay ang dahilan ng kanilang pag-withdraw.

Ayon kay Comelec spokesperson Rex Laudiangco, natural lamang na tanungin kung bakit nais bawiin ng mga lumagda sa petisyon ang kanilang signature at hindi naman aniya gagamitin laban sa mga botanteng nag-withdraw ng mga lagda ang kanilang inilagay na rason.

Saad pa ng opisyal na sa signature sheet hindi mandatoryo na ilagay ang dahilan ng withdrawal ng lagda.

Sinabi pa nito na ang paglalagay ng dahil para sa pagbawi ng lagda ay makakatulong sa Comelec na patunayan ang mga alegasyon na ilan sa mga lumagda ay pinangakuan ng pera o aid.

Matatandaan na una ng sinuspendi ng Comelec ang lahat ng proceedings may kinalaman sa PI habang pinag-aaralan pa ang existing guideliens sa naturang inisyatiba sa gitna ng umano’y mga kaso ng panunuhol at pamimilit sa mga botante na lumagda sa PI petition.