Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na walang hurisdiksyon ang poll body sa mga naiproklama ng opisyal ng barangay pagdating sa kanilang partisipasyon sa partisan political activities kabilang ang signature campaigns para amyendahan ang 1987 Constitution.
Aniya, ang saklaw ng kanilang hurisdiksyon ay kung paano ang kilos ng mga kandidato pero kapag nahalal na at naproklama na ang mga ito ay wala nang hurisdiksyon ang Comelec kundi ang DILG na.
Ginawa ni chairman Garcia ang paglilinaw matapos sabihin ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr., sa isang press conference noong Lunes na humingi umano siya ng patnubay mula sa Comelec hinggil sa pakikibahagi ng mga opisyal ng barangay sa signature campaign para sa people’s initiative.
Kung saan binanggit ni Sec. Abalos ang 2 magkahiwalay na dokumento mula sa komisyon na may salungat na detalye kaugnay sa pagbabawal sa partisipasyon ng mga opisyal ng barangay sa mga partisan activities.
Ayon sa kalihim, ang isang resolusyon ng Comelec en banc na may petsang Abril 8, 2022, exempted ang mga opisyal ng barangay mula sa naturang prohibition sa ilalim ng Section 261 ng Omnibus Election Code.
Subalit sa salungat ito sa Comelec Joint Circular na inisyu noong 2016.
Ang pagkakasalungat ng 2 dokumento ang nagbunsod kay Sec. Abalos na sumulat kay chairman Garcia para klaruhin ang papel ng barangay officials sa partisan political activities.
Ayon naman kay Garcia hindi pa natatanggap ng Comelec ang naturang sulat mula kay Sec. Abalos.