-- Advertisements --

Tiniyak pa rin ngayon ng Commission on Elections (Comelec) na tuloy-tuloy ang kanilang paghahanda para sa nalalapit na halalan sa Disyembre 5 ngayong taon.

Ito ay kahit na may mga panukalang ipagpaliban ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo o Disyembre sa susunod na taon.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, sa katunayan ay halos nasa 80 percent na raw ang kanilang paghahanda sa nalalapit na halalan.

Sinabi ni Garcia na sa ngayon ay nakasalalay pa rin sa Kongreso at sa Senado ang kahihinatnan ng isasagawang halalan.

Sa kabila nito patuloy pa rin daw ang kanilang paghahanda, kabilang na rito ang pag-imprenta ng mga balota.

Aniya, maari pa rin naman daw gamitin ang mga balota kahit naipagpalibana ng halalan.

Una rito, sinabi ni Comelec Acting Spokesperson John Rex Laudiangco na kung sakaling isasagawa ang halalan sa buwan ng Mayo ay uumpisahan nila ang voter resistration sa buwan ng Oktubre at magtatapos ito sa Disyembre.

Kapag isasagawa naman ang halalan sa Disyembre sa susunod na taon ay mas mahaba ang kanilang ilalalaan na oras para sa registration mula Oktubre ngayong taon hanggang sa Hunyo 2023.

Paliwanag ni Laudiangco, ang katapusan ng voter’s registration ay nakadepende kung kailan isasagawa ang barangay at Sk elections.

Dahil dito, inaasahan daw na tataas pa ang bilang ng mga botante kapag ipinagpaliban ang halalan sa Mayo o sa Disyembre sa susunod na taon.

Kung maalala, sa kasalukuyan, mayroong 67 million botante para sa barangay election habang nasa 24.45 million naman para sa SK.