-- Advertisements --

Nakatanggap na raw ang Commission on Elections (Comelec) ng reklamo ng vote-buying kasunod ng pagbuo sa task force na mag-iimbestiga sa naturang iligal na aktibidad.

Sinabi ni Comelec Commissioner George Erwin Garcia, ang mga inireklamo ay inihain ng Koalisyon Novalenyo Kontra Korapsyon at Alyansa ng mga Mamamayan ng Bagbag laban kay Rose Lin na tumatakbong kongresista sa ika-limang distrito ng Quezon City.

Sinabi ni Garcia na posibleng madagdagan pa ang mga reklamo ng vote buying sa mga susunod na araw.

Dahil naman daw sa mga inihaing reklamo ay malaki na rin itong bagay dahil dito magsisimula ang isasagawang imbestigasyon.

Babala na rin daw ito sa lahat dahil gising na raw ang taumbayan sa ginagawa ng mga tumatakbo sa halalan.

Sa kabila nito, hindi pa rin daw dapat makompromiso ang presumption of innocence na nasa ilalim ng Constitution.

Kung maalala noong nakaraang linggo lamang nang binuo ang inter-agency “Task Force Kontra Bigay” na kinabibilangan ng Comelec, Department of Justice (DoJ), Presidential Anti-Corruption Commission, Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Information Agency (PIA), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Pinangunahan naman ito ni Commissioner Aimee Ferolino.