Binalaan ng Commission on Elections ang sinumang magtatangka na magparehistro ng dalawa o higit pa para sa voter registration.
Ito ay sa gitna ng patuloy na paghahanda ng komisyon para sa gaganaping 2025 midterm elections.
Sa isang pahayag ay nagbabala si Comelec Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco hinggil sa mga kaparusahang maaaring kaharapin ng mga nagpaparehistro ng dalawang beses o higit pa para ang maging purpose ay maging flying voter.
Aniya, pinaparusahan sa batas bilang election offense ang naturang gawain ay ito ay may katumbas na kaparusahang pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon, pagkakatanggal ng karapatang bumoto at pagpataw ng perpetual disqualification to hold public office.
Aniya, batay sa datos na naitala ng comelec noong taong 2023 ay pumalo sa humigit-kumulang 100,000 mga botante ang sinubukang sadyang magparehistro ng dalawang beses o higit pa.
Ngunit nang dahil sa paggamit ng komisyon ng fingerprint technology ay agad na napag-alaman ng ahensya ang mga modus na ito.
Samantala, kasabay nito ay tiniyak ng tagapagsalita ng komisyon na tutugisin ng Comelec ang lahat ng mga flying voters sa bansa.