Nakatakdang magsagawa ng Command Conference sa buwan ng Hulyo upang talakayin kung idedeklara ang lalawigan ng Negros Oriental bilang election hot spot area para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia, makikipagpulong muna ang poll body sa mga law enforcement agencies gaya ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines para sa nasabing rekomendasyon.
Ginawa ni Garcia ang naturang pahayag sa sidelines ng pagdinig ng House ethics commitee sa nagpapatuloy na pagliban sa trabaho ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves jr. Mula sa mababang kapulungan ng kongreso.
Ang pagkonsidera sa pagdedeklara sa naturang lalawigan bilang hotspot area ay nag-ugat sa nangyaring pamamaslang noong Marso 4 sa Negros Oriental na ikinasawi mismo ni Governor Roel Degamo at ng 9 na iba pang mga indibidwal kung saan si Cong. Teves ang itinuturong utak ng naturang krimen.
Muli namang binigyang diin ni COMELEC Chairman Garcia na isinusulong ng poll body ang pagkakaroon ng mapayapa at credible elections sa negros oriental kung kayat magsasagawa ito ng public consultations bago gumawa ng desisyon kung idedeklara ang probinsiya bilang election hot spot.