Nakatakdang lumikha ng task force ang Commission on Elections (Comelec) na mag-iimbestiga sa mga alegasyon ng gobyerno ng Estados Unidos laban kay dating poll body chief Andres Bautista na tumanggap umano ng suhol mula sa isang service company kaugnay ng 2016 polls.
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ang task force ay siyang tutukoy kung ano talaga ang nangyari.
Aniya, aalamin ng komisyon kung sino rin ang mga tao sa likod ng pangyayari.
Si Bautista ay kinasuhan ng money laundering at conspiracy ng US Justice Department dahil sa umano’y pagtanggap ng suhol mula sa Florida-based firm na Smartmatic at mga subsidiary nito kapalit ng tulong sa pagkuha ng multimillion-dollar na kontrata.
Ayon sa ulat, ginawaran ng dating Comelec chief ang Smartmatic ng $199-million contract para mag-supply ng 94,000 vote-counting machines (VCMs) na ginamit noong 2016 presidential elections.
Apat na executives mula sa mga subsidiary ng Smartmatic ang naiulat na nadawit sa naturang scheme na kinasasangkutan ni Bautista.
Una nang sinabi ni Garcia na ang mga alegasyon laban kay Bautista at Smartmatic executives ay isang eye-opener para sa COMELEC at sa publiko.