-- Advertisements --

Kinukonsidera ng Commission on Elections (Comelec) na isagawa sa loob ng dalawang araw ang botohan para sa 2022 national at local elections upang matiyak ang physical distancing sa mga polling precincts.

Pahayag ito ng mga opisyal ng Comelec sa budget hearing kahapon, Setyembre 24, sa Kamara matapos tanungin hinggil sa kanilang ginagawang paghahanda para sa halalan sa susunod na dalawang taon sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Comelec Executive Director Bartolome Sinocruz Jr. naghahanda silang isagawa ang 2022 elections kahit hindi pa available ang COVID-19 vaccine sa mga panahon na iyon.

Kabilang na nga aniya rito ay ang planong isagawa ang halalan sa loob ng dalawang araw para ma-control ang bilang ng mga botante na boboto sa mga polling precincts.

Ganito rin ang mangyayari sa filing ng certificates of candidacy (COCs) sa 2021.

Ayon kay Sinocruz maaring isagawa nila sa magkakaibang petsa ang paghahain ng kandidatura ng mga tatakbo sa halalan, o pahintulutan ang paghahain ng mga COCs online.