-- Advertisements --
comelec

Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) Second Division ang disqualification case laban kay dating Social Welfare Secretary Erwin Tulfo bilang nominee ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) Party-list.

Sa kanilang resolusyon, sinabi ng Comelec na wala itong hurisdiksyon para aksyunan ang petition for disqualification.

Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ang House of Representatives Electoral Tribunal ang may hurisdiksyon sa disqualification case dahil naupo na si Tulfo sa Kongreso nang ito ay ihain.

Si Tulfo, ang pang-apat na nominado ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) Party-list ay awtomatikong umupo sa bakanteng posisyon matapos magbitiw ang ikatlong nominado noong Peb 22.

Noong Marso 2, sinuspinde ng Comelec ang proklamasyon ni Tulfo bilang nominee ng party-list dahil sa nakabinbing disqualification case na isinampa laban sa kanya ni Atty. Moises Tolentino.

Kasama sa kaso ang mga paratang na may kinalaman sa “question of citizenship” at “conviction by final judgment of a crime involving moral turpitude.”

Gayunman, sinabi ng Comelec na hindi agad mauupo si Tulfo bilang kinatawan ng nasabing partylist dahil may limang araw pa ang petitioner para maghain ng motion for reconsideration sa katatapos na desisyon.

Kung hindi naman maghahain ng mosyon ang petitioner, sinabi ng Comelec na maglalabas ng certificate of proclamation ang National Board of Canvassers en banc.