Hinimok ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng rehistradong botante na subukan muna ang electronic voting sa mga mall demo.
Ipinahayag ito ng ilang mga kinatawan ng Komisyon sa kanilang naging pag-iikot sa mga mall kung saan mayroong electric voting.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, malaking tulong ang maidudulot ng nasaking demo partikular na sa mga botanteng unang beses pa lamang boboto.
Layunin nito na ipaalam sa mga botante kung paano ang tamang paggamit sa balota na gagamitin naman sa mismong araw ng eleksyon sa Mayo 9.
Dito ay muling nagpaalala si Jimenez sa tamang pag-iingat sa mga balota tulad na lamang ng hindi pagsusulat sa ibang bahagi nito at iba pa.
Samantala, binigyang-diin naman ni Commissioner Aimee Ferolino ang kahalagahan ng kamalayan sa pagboto sa kadahilanang maselang usapin ito.
Tulad ni Jimenez ay pinayuhan din niya ang mga botante na maging maingat sa mga balota at mas mabuting magdala na rin daw ng mga listahan ng iboboto upang hindi sila ma-delay sa pagboto.