-- Advertisements --

Bukas daw ang Commission on Elections (Comelec) na makipagtulungan sa Department of Education (DepEd) kaugnay sa hirit nilang madagdagan ang kompensasyon at benepisyo para sa mga gurong magsisilbi sa National at Local Election sa 2022.

Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na kinikilala ng poll body ang hindi matatawarang papel ng mga guro para matiyak ang tagumpay ng mga halalan.

Ayon kay Jimenez, handa raw ang Comelec sa pakikipag-usap sa DepEd upang makahanap ng ano mang nararapat na solusyon para matupad ang kanilang mga apela.

Batay sa liham ni DepEd Sec. Leoner Briones kay Comelec chairman Sheriff Abas, ang sitwasyon ngayong may Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic ang nagtulak sa kanilang hiling na dagdagan pa ang bayad at benepisyo sa mga teaching and non-teaching personnel.

Base sa panukala ng DepEd, nais nilang magkaroon ng P9,000 na kompensasyon para sa Chairperson ng Electoral Boards at ang mga miyembro naman ay P8,000.

Habang ang Department of Education Supervisor Official (DESO) ay kailangang magkaroon ng P7,000 na kompensasyon at P5,000 naman sa Support Staff.

Ito ay dahil na rin umano sa nararanasang Consumer Price Index at Inflation Rate noong Enero ngayong taon.

Maliban sa benepisyon na ibibigay ng Election Service Reform Act (ESRA), hiniling na rin ng DepEd na magkaroon ng P500 kada araw na COVID-19 Hazard Pay para sa mga otorisadong poll workers.

Humihirit din ang DepEd ng P1,000 na allowance para sa pagkain at tubig at P2,000 para sa transportasyon.

Sakali ring may pandemya pa sa panahon ng eleksyon, umaapela ang DepEd ng onsite swab testing at iba pang health services.

Una na ring ipinanukala ng DepEd na walong oras lamang dapat magtrabaho ang mga guro kabilang na rito ang preparation at post-election activities habang hiniling na rin nilang magkaroon ng provision of funds para sa maintenance at pagpapaayos sa mga paaralan na gagamiting voting centers.

Mahigpit naman ang bilin ni Briones sa mga DepEd officials na mag-focus ang mga ito sa non-partisan public service at aktibong lumahok sa palapit na halalan.