Sa kauna-unahang pagkakataon, maari nang tangginahan ng mga COMELEC field offices ang mga aspiring candidates sa Brgy at SK elections na nakatakdang isagawa sa Oktubre a-30 ng kasalukuyang taon.
Ito ay batay na rin sa bagong rule na nakatakdang ilabas ng COMELEC bago pa man ang paghahain ng certificate of candidacy sa Aug 28 hanggang Sept 2.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, ang bagong panuntunan ay magbibigay ng kapangyarihan sa mga field offices ng COMELEC na direktang hindi tanggapin ang COC ng mga nagbabalak tumakbong SK at Brgy Officials ngunit hindi kwalipikado.
Paliwanag ni Garcia, sa mga nakalipas na brgy elections ay tinatanggap lahat ng mga field offices ang mga COC, nang hindi na tinitingnan kung kwalipikado ang mga tatakbong kandidato.
Inihalimbawa ng opisyal ang nangyari noong 2018 Brgy at SK elections kung saan kinailangan noon ng COMELEC na maghain ng hanggang sa animnalibong special action cases para lang kanselahin ang mga COC na unang inihain ng mga hindi kwalipikado. Napakahaba rin aniya ang proseso dahil sa kinakailangan itong pagdesisyunan pa ng Division office ng COMELEC.
Kabilang naman sa mga titingnan ng COMELEC field offices ay ang edad ng mga kandidato, nationality, residency, at iba pa.