-- Advertisements --

Lumagda ang Commission on Elections (Comelec) at SM Supermall ng isang memorandum of agreement upang gamitin ang mga malls para sa public demonstration ng vote counting machines (VCM).

Nakasaad sa naturang kasunduan na lahat ng 78 SM malls ay gagamitin ng komisyon para sa voter education.

Ise-set up ang mga VCM sa mga mall na ito habang mamamahagi naman ng nasa 300,000 mock ballots sa mga taong dadalo dito upang bigyan sila ng karanasan sa paggamit ng nasabing mga machines.

Ayon kay Comelec chairman Saidamen Pangarungan, layunin ng proyektong ito na pawiin ang pangamba at takot ng ilang botante hinggil sa paggamit at seguridad ng mga vote counting machines (VCM).

Samantala, sinabi naman ni Comelec spokesman James Jimenez na gaganapin ang nasabing demonstration tuwing mall hours na maaari namang lahukan ng sinumang interesadong makibahagi dito, rehistradong botante man o hindi.