Humingi ng paumanhin ang komedyanteng si Trevor Noah hinggil sa pagbibiro nito ukol sa lumalalang tensyon sa pagitan ng India at Pakistan.

Una rito, sinabi ni Noah sa isang segment sa American television show na “The Daily Show” na sakaling magkakaroon ng giyera sa pagitan ng dalawang bansa ay ito raw ay magiging “most entertaining.”

Idinagdag din nito na: “It would also be the longest war of all time – another dance number!”

Dahil dito, umani ng samu’t saring negatibong reaksyon si Noah mula sa mga taga-India, na tinawag pa ang mga komento ng komedyante bilang “ignorant” at “racist.”

Sa pagtugon ni Noah sa isa sa mga komento sa social media, sinabi nito na: “I am sorry that this hurt you and others, that’s not what I was trying to do.”

Paliwanag pa ni Noah, ginagamit daw nito ang komedya upang harapin ang “pain and discomfort,” kung saan ipinunto pa nito na minsan ay ginagawa rin nitong biro ang kanyang ina na binaril sa ulo.

“It’s amazing to me that my joke about the conflict in India and Pakistan trended more than the story of the actual conflict itself. Sometimes it seems like people are more offended by the jokes comedians make about an issue than the issue itself,” saad nito sa kanyang tweet.

Matatandaang matagal nang may alitan ang India at Pakistan ukol sa pinagtatalunang bahagi ng Kashmir. (BBC)