Binigyang diin ng Commission on Higher Education (CHED) na ang mga entrance test sa higher education ay dapat na mas tumutok sa equity upang ang mga mahihirap na estudyante ay mabigyan ng mas mataas na pagkakataon na makakuha ng libreng edukasyon sa mga state universities and colleges (SUCs).
Ang pahayag ay sinabi ni CHED Chairman Prospero De Vera III, bilang tugon sa mungkahi ni Finance Secretary Benjamin Diokno, bilang bahagi ng kanyang hangarin na repasuhin ang libreng sistema ng edukasyon sa kolehiyo sa SUCs.
Ito ay upang “i-filter’, sa pamamagitan ng isang nationwide test, ang mga dapat na may karapatan sa libreng edukasyon.
Ayon kay De Vera, magiging “disastrous” ang naturang nationwide test kung ito ay magiging katulad ng University of the Philippines College Admission Test na aniya ay mas pabor sa mga may karangyaan sa pagpasok sa mga review class.
Gayunpaman, iginiit ni De Vera na responsibilidad ng gobyerno ng Pilipinas na dalhin sa edukasyon ang mga nagmumula sa mahihirap na pamilya, ang mga nagmumula sa mga pampublikong paaralan, ang mga anak ng katutubong komunidad, at ang mga anak ng mga rebel returnees.
Una na rito, ang datos na ipinakita ng CHED ay nagpakita na 36.83% ng mga mag-aaral sa kolehiyo na pumasok sa School Year 2020–2021 ay huminto o pansamantalang umalis sa pag-aaral.