-- Advertisements --

Tiniyak ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang dapat ipangamba ang mga Pilipino matapos na itaas na ang antas ng alerto sa antas 3 sa Iran at Israel bunsod ng tensyon sa pagitan ng dalawang mga bansa.

Sa isang pulong balitaan, inihayag ni Foreign Affairs Assistant Secretary Robert Ferrer na dulot ng misinformation ang nangyayaring panic at distress na nararamdaman ng mga pilipino at maging ng kanilang mga pamilya na naiwan dito sa Pilipinas.

Paliwanag ng opisyal, ang pagdedeklara ng Alert Level 3 ng Iran at Israel ay bahagi lamang aniya ng kanilang paghahanda kung sakali mang lumala pa ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Kasunod nito ay binasa naman ni Ferrer ang bahagi ng mensahe ni Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola na sa kabila ng mga nakaambang na panganib ay patuloy na nagpapaabot ng mga essential services at assistance ang kanilang tanggapan at tiniyak na mananatiling bukas ang embahada para magpaabot ng serbisyo sa mga mamamayang Pilipino na naiipit sa sigalot.

Ani Ferrer, wala ring interruptions sa mga internet services, telepono at iba pang mga utilities sa Israel at panatag din aniya ang mga residente kung saan natutugunan nang mabilis ang mga apektado at nangangailangan ng tulong.

Samantala, tiniyak naman ng opisyal sa mga pamilyas ng halos 30,000 na mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) sa Iran at Israel na kapag maayos na at tapos na ang sigalot ay maaari nang bumalik sa kanilang mga normal na buhay at pagtatrabaho ang kanilang mga mahal sa buhay.