Ipinagmalaki ngayon ng Bureau of Immigration (BI) na kahit mayroong Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic ay nakakolekta pa rin ang ahensiya ng halos P5.9 billion noong nakaraang taon.

-- Advertisement --

Pero ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, bumaba ito ng 36.1 percent o P5.88 billion kumpara sa P9.3 billion noong 2019 na record high income ng Immigration.

Inaasahan na rin umano ng BI ang pagbaba ng koleksiyon dahil sa pandemic dahil mas marami ring mga banyaga ang umalis ng bansa kaysa pumasok.

Ang nakolekta ng BI ay mula sa mga visa applications.

“We anticipated our revenues to decrease due to the pandemic. With more foreign nationals going out of the country than going in, we were able to collect less revenue from visa applications,” ani Morente.

Dagdag ni Morente ang mga transaksiyon sa bureau ay sinuspindi sa loob ng mahigit dalawang buwan kasunod ng pagdedeklara ng pamahalaan ng hard lockdown na nagsimula noong March 2020.

Dito raw nagsimulang bumulusok ang revenue collections ng Immigration bureau.

Umaasa naman si Morente na ngayong taon ay makakabawi ang bureau dahil posibleng bumalik na rin sa normal ang kalagayan ng bansa habang hinihintay ang pagdating ng COVID-19 vaccine at kapag tinanggal na ang international travel restrictions.

Una rito, sinabi ni BI Finance Chief Judith Ferrera, na noong nakaraang taon ay inaasahan nilang magkakaroon ng panibagong record high collection ang bureau dahil sa unang dalawang buwan pa lamang ng taon o ang buwan ng Enero at Pebrero ay mayroon na silang P1.8 billion na collection.

Pero bumaba na lamang ito sa P480 million noong Marso bago magpatupad ng enhanced community quarantine (ECQ)sa buong Luzon.

Naging source pa rin naman daw ng income ng BI ang visa processing at extension fees, fines at penalties, clearance at certification taxes at immigration tax.