Isinara na ang cold storage facility pagkatapos ang pagtagas ng ammonia at insidente ng sunog noong Lunes ng gabi sa Navotas City ayon kay Mayor John Rey Tiangco noong Miyerkules.
Ito ay para masigurado ng Bureau of Fire and Protection na sumusunod ang establishimento sa safety protocols.
Una ng napaulat na Isang 16-anyos na biktima ang namatay habang 24 na iba pa ang dinala sa dalawang ospital matapos mahirapang huminga kasunod ng pagtagas ng ammonia at sunog.
Sinabi ni alkalde na ang namatay na binatilyo ay na-diagnose na may acute respiratory syndrome sa ospital.
Aniya, may commorbiditt ang binatilyo at nahihirapang huminga noon pang Lunes ng umaga. Aniya, ang pagtagas ng ammonia ay posibleng nagpalala pa sa kalagayan ng biktima.
Ang iba pang mga biktima na nagkasakit ay nakalabas na sa mga pagamutan. Gayunpaman, patuloy pa rin na susubaybayan ang kanilang kalusugan sa bahay.
Ayon kay Tiangco, nakikipag-ugnayan na ang pamunuan ng cold storage facility sa mga awtoridad ng lokal na pamahalaan para tulungan ang mga biktima.
Sinabi ni Tiangco na gagawa sila ng mga paraan upang maiwasang maulit ang naturang insidente sa hinaharap.