Naniniwala si PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde na posibleng bahagi ng malaking shipment ng cocaine na nasabat ng Australian Police noong nakaraang taon ang bloke-blokeng cocaine na narekober sa magkakahiwalay na lugar sa eastern seaboard ng bansa.

Ito ay matapos makausap ni PNP chief ang mga opisyal ng Australian police na kasalukuyang nasa bansa.

Sinabi ni Albayalde, may narekober din ang Australian Police na mahigit 500 kilos ng cocaine malapit sa Papua New Guniea at Solomon Islands sa Pacific Ocean noong nakaraang Hulyo at Setyembre na patungong Australia.

Aniya, magkakapareho ang mga “markings” ng mga bloke ng cocaine na narekober ng Australian Police sa mga natagpuan sa Pilipinas nitong mga nakaraang linggo na indikasyon na bahagi ito ng iisang shipment.

Sadyang itinapon ang cocaine sa karagatan mula sa barko habang tumatakas ito sa mga otoridad para balikan, o kaya’y lumubog ang barko kaya tumapon ang cocaine.

Matagal nang lumulutang sa karagatan ang mga bloke ng cocaine dahil kinapitan na ito ng talaba, at maaring inanod lang patungong Pilipinas.

Sinabi ni Albayalde na masisiguro nila kung ang kabuuang 110 kilo ng cocaine na narekober sa Pilipinas ay kapareho ng cocaine na nakuha ng Australian Police pag lumabas na ang resulta ng chemical test ng sample na pinadala ng PNP sa Australia at Estados Unidos.