-- Advertisements --

Simula na ng puspusang training ng national basketball team na Gilas Pilipinas, ilang araw bago tumulak papunta ng Lebanon.

Nanguna sa Day 1 ng training sina national coach Chot Reyes at coach Tim Cone na ginanap sa Meralco Gym sa Ortigas Avenue, Pasig City.

Ito ay sa kabila na hindi pa nakakarating sa Pilipinas ang NBA star na si Jordan Clarkson ng Utah Jazz at ang 7-foot player na si Kai Sotto.

Dumating din sa venue si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) Executive Director Sonny Barrios para tiyakin sa mga players ang suporta at dasal mula sa basketball community ng bansa.

Sa ngayon ang nakadalo muna sa mga national pool players ay ang magkapatid na Ravena, na sina Kiefer at Thirdy, Dwight Ramos, Bobby Ray Parks, Kevin Quiambao, Carl Tamayo, Calvin Oftana, Jamie Malonzo, Kevin Alas, at Francis Lopez.

Inaasahan na ilang pang mga PBA players ang sisipot din sa mga susunod na araw lalo na at patapos na ang torneyo.

Nakatakdang lumipad ang Philippine team sa Beirut upang harapin ang 2022 FIBA Asia Cup silver medalist na Lebanon sa Aug. 25 at babalik sa Pilipinas upang labanan naman ang Saudi Arabia na gaganapin sa MOA Arena sa Aug. 29.