-- Advertisements --

Kinuwestyon ng Commission on Audit (COA) ang mga hindi pa naipapamahaging donasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakalaan para sa mga biktima typhoon Ulyssess na nanalasa sa bansa noong Nobiyembre 2020.

Sa latest report ng COA, nakasaad na ang DSWD office sa Region 2 ay nakatanggap ng kabuuang 126,172 in-kind donations noong huling quarter ng 2020 hanggang 2021 subalit nasa kabuuang 21,824 ang hindi pa naipapamigay.

Ang naturang mga donasyon ay ibinigay ng iba’t ibang donors para sa mga pamilya na apektado ng malawakang pagbaha at malaking pinsala sa ari-arian sa rehiyon.

Binanggit din sa naturang report na hindi naisumite ang reports sa in-kind donations sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pamamagitan ng Office of the Civil Defense kung saan ang transparency at accountability sa paggamit ng naturang mga donasyon ay apektado.

Ayo sa state auditors, pumayag ang pamunuan ng DSWD na atasan ang Disaster Response Management Division at Regional Resource Operations Section para istriktong sumunod sa circulars ng COA sa pamamahala ng donasyon.

Ipinag-utos na din aniya ng DRMD chief ang agarang paglalabas ng hindi pa naipapamahaging donasyon para sa mga deserving na benepisaryo.