Isiniwalat ng Commission on Audit (COA) na mayroong mahigit P362.7 milyon ang Department of Education (DepEd) sa unauthorized, unnecessary, at dormant bank accounts na lumalabag sa General Appropriations Act of 2022.
Sa audit report nito, sinabi ng COA na ang DepEd ay mayroong kabuuang P362,760,156 cash sa mga bangko sa ilalim ng accounts ng central office nito at siyam na regional offices at ang pondo ay hindi pa naibabalik sa national treasury.
Ayon sa COA, ang mga resulta ng pag-audit, pag-verify, at pagpapatunay ng mga cash account ay nagsiwalat na ang ilang mga account sa bangko ay pinananatili nang walang tiyak na awtoridad o legal na batayan, at regulasyon.
Ang COA ay nagpahayag ng pangamba na ang mga pondo sa mga bank account ay maaaring malantad sa maling paggamit.
Ipinunto ng komisyon na ang isang batas na nilabag ay ang Section 10 ng General Provisions of the General Appropriations Act para sa 2022, na nagsasaad na ang lahat ng departamento, kawanihan, opisina, ng gobyerno ay inaatasan na isara at ibalik ang lahat ng balanse ng mga special account, fiduciary o mga pondo.
Nabanggit nito na mayroong tatlong mga kondisyon sa pagbabalik sa pangkalahatang pondo, ito ay kapag walang legal na batayan para sa paglikha nito, kapag ang mga termino nito ay nag-expire na, at kapag hindi na ito kinakailangan para sa pagkamit ng mga layunin kung saan ito itinatag.