-- Advertisements --

Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang pamahalaan kasunod ng isinagawang airstrikes ng Estados Unidos sa mga nuclear facility ng Iran nitong weekend.

Nanawagan naman ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa lahat ng panig na bumalik sa diplomatikong pag-uusap upang maiwasan ang paglala ng tensyon sa rehiyon.

Ayon sa DFA, kasalukuyan nilang binabalangkas ang mga posibleng scenario at ina-update ang contingency plans sakaling gumanti ang Iran sa pamamagitan ng pag-atake sa mga base-militar ng U.S. sa Middle East.

Maalalang tinatayang mahigit 1 milyong overseas Filipino workers (OFWs) ang nasa Middle East, karamihan ay nasa Saudi Arabia, UAE, Qatar, at Kuwait.

Sa kabilang banda umani ng magkakaibang reaksyon sa buong mundo ang pag-atake ng Amerika sa mga nuclear site ng Iran sa Fordow, Natanz, at Isfahan.

Habang nagpahayag ng suporta ang Israel at Canada at nanawagan ng de-escalation ang UN, UK, France, Australia, at New Zealand. Samantala, tinawag itong “ilegal” ng China at Russia, habang nagbabala ng mas malawak na epekto ang Iraq, Oman, at Qatar.