-- Advertisements --

Muling naungkat ang isyu kaugnay sa confidential funds habang naka salang sa budget debate sa plenary ng House of Representatives ang Commission on Audit (COA) nuong Biyernes.

Si House Committee on Appropriations Senior Vice Chairman Rep. Stella Luz Quimbo ang sponsor sa budget ng COA.

Sa interpelasyon ni Senior Minority Leader at Northern Samar 1st District Representative Paul Daza kay Quimbo, sinabi nito bakit hindi nagsusumite ang COA ng liquidation hinggil sa mga ibinibigay na confidential o intelligence funds sa mga ahensiya ng gobyerno.

Tugon naman ni Quimbo, batay sa batas hindi obligado ang COA na magsumite ng liquidation reports bagkus ang mga ahensiya ng gobyerno na nakatanggap ng nasabing pondo ay inatasan magsumite ng report sa Office of the President at ipaalam ang mga naging accomplishments nila gamit ang confidential funds.

Naging mainit ang usapin sa confidential funds matapos hilingin ng ilang mambabatas na ire-align ang pondo para magamit pa sa ibang bagay.

Lalo na ang confidential funds ng Department of Education na nasa P500 million at walang inilaang pondo para sa Special Education o SPED Program.

Samantala, inihayag ni House Majority leader Mannix Dalipe na ang panukalang 2023 national budget na lamang ang tututukan ng Kamara hanggang sa susunod na linggo.

Ito’y matapos lumusot na sa ikatlong pagbasa ang dalawang non-budget bills na kabilang sa urgent legislative measure ng Marcos administration.

Pagtiyak naman ni Dalipe na kaya ng Kamara na makamit ang target timeline na tapusin ang sponsorship at debate 2023 General Appropriations Bills sa September 28 at aprubahan ang budget sa Setyembre a-30.

Sa nakalipas na tatlong araw ng budget deliberations, nasa 46 na ahensya at tanggapan na ang sumalang at natapos sa sponsorship at debate.