MANILA – Natunton na ng Department of Health (DOH) ang pamilya at mga nakasalamuha ng Pinay domestic helper na nag-positibo sa UK variant ng COVID-19 pagdating ng Hong Kong.

“We were able to back track, nakuha natin yung history of Hong Kong case and we were able to indentify close contacts,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Batay sa impormasyon ng ahensya, mula sa bayan ng Solana, Cagayan ang 30-anyos Pinoy overseas worker na bumiyahe ng Philippine Airline flight PAR-300 noong December 22, 2020.

Pinayuhan na raw ng DOH ang pamilya at close contacts ng OFW sa Cagayan na mag-quarantine muna. Kinuhanan na rin sila ng samples para sa COVID-19 test, at genome sequencing ng Philippine Genome Center (PGC).

Maging ang mga nakasama ng Pinay sa kanyang manning agency sa Metro Manila.

“They were all swabbed. Their specimen were sent to PGC for RT-PCR and genome sequencing. They are quarantined and monitored.”

“Yung naging contact retroactive, binalikan namin yung kanyang lugar, inaalam natin kung sino pa mula nung dumating siya dito sa Pilipinas.”

Wala pang impormasyon kung returning OFW o first time magta-trabaho sa ibang bansa ng Pinay worker.

Bukod sa close contacts nito sa Cagayan province at National Capital Region, pinayuhan din ng DOH na mag-quarantine ang pamilya ng mga nakasalamuha ng Pinay sa sinakyang eroplano.

Bago kasi nakumpirma na taga-Solana ang OFW, dalawang 30-anyos na babae ang nasa line list ng naturang PAL flight.

“It was part of contact tracing efforts kasi nung wala pa tayong information, tiningnan natin yung flight manifest. Ang profile natin was a 30-year old female. Tiningnan natin yung flight manifest, nagkataon dalawang 30-year old female, yung isang taga-Nueva Vizcaya, but also she is contact that’s why we do tracing. Kaya kailangan natin silang i-quarantine.”