Sa Oktubre target simulan ng Department of Science and Technology (DOST) ang clinical trial sa ilang bakuna na posibleng laban sa virus ng COVID-19.
Ang DOST kasi na nakatalagang manguna sa clinical trial ng mga pinag-aaralang gamot at bakuna na posibleng lunas sa pandemic na sakit.
Limang ospital sa bansa ang inisyal na kasali sa gagawing clinical trial, ayon kay Dr. Nina Gloriani, professor mula sa UP-Manila College of Public Health, at vaccine researcher.
Kabilang sa mga ito ang Philippine General Hospital, Research Institute for Tropical Medicine, Manila Doctors Hospital, San Lazaro Hospital in Metro Manila at Vicente Sotto Medical Center sa Cebu.
“Ang isang kailangan ay mataas ang transmission rate ng COVID para mapasama sa clinical trial site but other hospitals may be included based on COVID-19 case rates later on,” ayon sa eksperto.
Sa ngayon may 139 vaccines na sa buong mundo ang nasa pre-clinical stage, kung saan sinusubukan ang pagiging epektibo ng bakuna sa mga hayop.
Ang 21 naman ay nasa clinical trial stage, o ang proseso ng trial kung saan sa posyento ng mga tao na sinusubukan ang bakuna.
Ayon kay Dr. Jaime Montoya, ang executive director ng DOST-Philippine Council for Health Research and Development, may tatlong phases sa ilalim ng clinical trial.
Sa Phase 1, titingnan ang kaligtasan at pagiging epektibo ng bakuna sa maliit na grupo ng mga tao; aalamin naman kung ilan ang kailangang dosage ng bakuna sa Phase 2, sa pamamagitan ng paggamit nito sa higit 100 katao. Habang higit 1,000 indibidwal na ang sa ilalim ng Phase 3.
Limang bakuna galing China at Taiwan ang inaprubahan ng Inter-Agency Task Force na maka-collaborate ng bansa sa clinical trials.
Kapag nasimulan, aabot sa hanggang 5,0000 volunteer na high-risk sa COVID-19 infection ang target na isali.
Tatagal nang hanggang March 2021 ang trials, at mae-extend pa nang hanggang September ng parehong taon.
“Ang bakuna ay karagdagan lang po, pero kailangan pa ipagpatuloy natin ang ating ginagawa upang mapagibayo pa ating kampanya laban sa COVID-19,” ani Montoya.
“Kasama na diyan ang personal hygeine, ang physical distancing, paggamit ng face mask, paghuhugas ng kamay at iba pang mga polisya na ating ipinaalam na sa mga kababayan upang mag-ingat tayo sa COVID-19.”